Suspension order vs CGMA ‘di ipatutupad ng Kamara
MANILA, Philippines - Hindi ipapatupad ng Kamara ang kautusan ng Sandiganbayan 4th division na 90 days preventive suspension laban kay dating pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo dahil sa kasong katiwalian kaugnay sa ZTE deal.
Inihayag ito ni House Majority leader Neptali Gonzalez matapos kumpirmahin na nakatanggap sila ng komunikasyon mula sa Sandiganbayan na nag-aatas sa kanila na magpaliwanag kung bakit hindi pa rin sinususpinde si CGMA.
Paliwanag ni Gonzales, sa kasaysayan ng Kamara ay wala kahit isang kongresista ang nasuspinde alinsunod sa utos ng korte maliban sa dalawa na nagboluntaryong sumunod sa suspension order.
Bukod dito, wala rin umanong kapangyarihan si Speaker Feliciano Belmonte o maging si Gonzales na ipataw ang suspensyon sa dating pangulo.
Base sa proseso kailangan munang idaan sa plenaryo ang nasabing isyu at kailangan ng 2/3 na boto ng mga kongresista bago maipatupad ang suspension ng isang kongresista.
Sa ngayon ay marami pa umano silang prayoridad para unahin pa ang suspension order ng Sandiganbayan laban sa dating pangulo.
Iginiit pa ni Gonzales, na wala rin naman koneksyon sa posisyon ni CGMA ngayon ang sinasabing krimen na nagawa nito noong presidente pa ito.
Hindi na rin umano kailangan pa ang preventive suspension dahil hindi na kontrolado ni Arroyo ang tanggapan kung saan maaaring naroon ang mga dokumento o tauhan na may koneksyon sa NBN-ZTE deal.
- Latest