Pinoy peacekeepers tinawag na duwag, AFP umalma sa UNDOF commander
MANILA, Philippines – Hindi napigilan ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Catapang Jr. na magkomento laban sa pang-iinsulto ni United Nations Disengagement Observer Force (UNDOF) Commander Lt. Gen. Iqbal Singh Singha na mga duwag umano ang 75 Pinoy peacekeepers na nasangkot sa standoff sa Golan Heights.
Ayon kay Catapang, ayaw na sana niyang patulan pa ang isyu pero ibang usapan na umano kapag tinawag mong duwag ang mga Pinoy peacekeepers na sa katunayan ay ipinakita ang katapangan sa buong mundo.
“Pag tinawag kang duwag, ibang usapan na yan, it’s not cowardice to hold the ground for seven hours and fight the Syrian rebels,” ani Catapang na iginiit pang sa kabila ng utos ni Singha sa Pinoy troops na magwagayway ng bandilang puti bilang tanda ng pagsuko sa kalaban at isurender ang kanilang mga armas ay hindi ito sinunod ng Phl peacekeepers.
Ang pagtangging sumuko ng Pinoy peacekeepers ay nagresulta sa 2 araw na standoff noong Agosto 28 at 29, nagkaputukan ng sumunod na Sabado hanggang sa maisagawa ang ‘greatest escape’ noong madaling araw dakong ala-1:45 nitong nagdaang Linggo.
Una nang kinampihan si Singha at itinanggi ni UN Undersecretary of Peacekeeping Operations Herve Ladsous na may utos ang heneral na Indian sa Pinoy peacekeepers na sumuko at sa halip ay huwag lamang umanong magpaputok ng kanilang mga baril.
Sa halip, sinabi ni Catapang na ang utos ni Singha na magsurender ng baril at magwagayway ng bandilang puti ang tunay na karuwagan.
- Latest