Henry Sy pinakamayaman pa rin sa Pilipinas - Forbes
MANILA, Philippines – Sa pampitong sunod na taon, kinilala ang negosyanteng si Henry Sy ng SM Prime Holdings na pinakamayaman sa Pilipinas, ayon sa pinakabagong Forbes Philippines rich list.
Mayroong $12.7 bilyon net wealth si Sy, na pagmamay-ari rin ang Banco de Oro, mas mataas ng $700 milyon kumpara sa nakaraang taon.
Pumangalawa naman si Lucio Tan na may $6.1 bilyon net wealth, habang pumangatlo ang port at casino tycoon na si Enrique Razon Jr. na pumalo sa $5.2 bilyon ang pera mula sa $4.5 bilyon ng nakaraang taon.
Kabilang din sa top 10 sina: Andrew Tan ($5.1 bilyon), John Gokongwei Jr ($4.9 bilyon), David Consunji ($3.9 bilyon), George Ty ($3.7 bilyon), Aboitiz Family ($3.6 bilyon), Jaime Zobel de Ayala & family ($3.4 bilyon) at Tony Tan Caktiong ($2 bilyon).
Umabot sa $74 bilyon ang kabuuang pera ng 50 pinakamayamang tao sa Pilipinas, mas mataas ng 12 porsiyento mula sa $65.8 bilyon ng nakaraang taon.
Kinakailangang nasa $170 milyon pataas ang kita ng isang tao upang mapasama sa listahan, mas mataas ng $65 milyon kumpara nitong 2013.
Makikita ang buong listahan sa website ng Forbes http://www.forbes.com/philippines.
- Latest