90 days suspension ni Enrile tuloy na
MANILA, Philippines - Pinagtibay na ng Sandiganbayan ang desisyon nito na suspendihin sa puwesto si Sen. Juan Ponce Enrile ng 90 araw.
Ang naturang hakbang ay bilang sagot ng Sandiganbayan 3rd Division sa naisampang motion for reconsideration ni Enrile para sa suspension order ng naturang mambabatas.
Sa kanyang mosyon, idiniin ni Enrile na ang preventive suspension ng isang senador ay isang administrative measure na kailangan isagawa sa isang administrative proceeding ng Senado. Ang Senado lamang anya ang tanging may kapangyarihan na magtakda ng parusa laban sa isang miyembro ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.
Binigyang diin ni Enrile na walang kapangyarihan ang Sandiganbayan na magpalabas ng isang administrative order tulad ng pagsususpinde sa isang mambabatas na tulad niya at ang tanggapan naman ng Ombudsman ang may kapangyarihang magsuspinde sa mga taong gobyerno na may kasong kriminal.
Niliwanag naman ng prosekusyon na ang Sandiganbayan ay may kapangyarihan na suspendihin si Enrile lalupat matagal nang kinikilala ng Korte Suprema na ang graft court ay may kapangyarihan na suspendihin ang sinumang miyembro ng Kongreso.
Si Enrile ay may kasong plunder at graft kaugnay ng P172.8 milyong komisyon mula 2004 hanggang 2010 mula sa pekeng NGO ni Janet Napoles.
Tiniyak naman ni Senate President Franklin Drilon na ipatutupad na ng Senado ang suspensiyon with “finality” sa sandaling makarating sa Senado ang opisyal na kopya ng order mula sa Sandiganbayan Third Division.
Dahil sa suspensiyon, hindi maaring gampanan ni Enrile ang kanyang trabaho bilang senador katulad ng paghahain ng mga panukalang batas kahit nasa loob ito ng kulungan.
Matatandaan na isa si Enrile sa tatlong senador na kinasuhan ng plunder sa Sandiganbayan dahil sa akusasyon na tumanggap sila ng kickbacks mula sa kanilang pork barrel funds.
Bukod kay Enrile, nakakulong din ngayon sina Senators Jinggoy Estrada at Bong Revilla.
- Latest