LPA magpapaulan sa Luzon
MANILA, Philippines --Mahina hanggang sa katamtamang buhos ng ulan ang asahan sa kalakhang Luzon dahil sa pag-iral ng low pressure area, ayon sa state weather bureau ngayong Lunes.
Namataan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang LPA sa 140 kilometro kanluran ng Laoag City kaninang alas-4 ng madaling araw.
Nilinaw ng PAGASA na mababa ang tsansa na maging ganap na bagyo ang LPA na inaasahang lalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Kung tuluyang maging bagyo ang LPA ay pangangalanan itong "Kanor" ang pangalawang bagyo ngayong buwan.
Dalawa hanggang tatlong bagyo ang inaasahan ng PAGASA na pumasok sa PAR ngayong Agosto.
Inaasahang makararanas ng mahina hanggang sa katamtamang pag-ulan ang Metro Manila at mga rehiyon ng Cagayan Valley, Cordillera, Ilocos, Central Luzon and Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan).
- Latest