Condo sa likod ni Rizal sisilipin ng Senado
MANILA, Philippines - Iimbestigahan ng Senate Committee on Education Arts and Culture na pinamumunuan ni Senator Pia Cayetano ang itinatayong condominium building sa may likurang bahagi ng monumento ni Dr. Jose Rizal sa Luneta, Manila sa kahabaan ng Taft Avenue.
Ayon kay Sen. Cayetano, maghahain siya ng resolusyon upang imbestigahan mismo ng kanyang komite ang nasabing isyu.
Nilinaw ni Cayetano na hindi niya hangarin na guluhin ang business community pero dapat aniyang tingnan ang mga posibleng naging paglabag sa itinatayong gusali na sinasabing makakaapekto sa tanawin sa Rizal Park na isa sa mga itinituring na tourist spots sa Maynila.
Sinabi pa ni Cayetano na hindi na nagiging “consistent” ang gobyerno sa mga pagpapatupad ng batas lalo na tungkol sa mga may kinalaman sa culture at national heritage.
“For many years I think that we have not been very consistent and strong about implementing our existing Laws on our culture and national heritage,” ani Cayetano.
Aminado ang senadora na hindi madaling isyu ang gagawing imbestigasyon pero dapat pa rin aniyang masilip ang mga posibleng paglabag sa pagtatayo ng building.
Hindi aniya dapat ikatuwiran na sinisimulan na ang pagtatayo ng gusali at dapat ituloy na lamang ito dahil posibleng ganito na lamang ang gagawin ng mga nais pang lumabag sa mga environmental laws.
- Latest