Ika-100 M Pinoy isinilang
MANILA, Philippines - Ganap nang 100 milyon ang populasyon ng bansa matapos na isilang ang ika-100 millionth baby sa Jose Fabella Memorial Hospital.
Pinangalanang Baby Chonalyn Sentino ang symbolic 100 Millionth Pinoy na ipinanganak kahapon ng alas 12:35 ng madaling araw.
Si Baby Chonalyn ay isinilang sa pamamagitan ng normal delivery ni Dailyn Cabigayan ng Sampaloc. May bigat itong 2.8 kilos at malusog.
Una nang sinabi ng ilang population officials na maaaring umabot sa 100 million ang populasyon ng bansa sa ganap na alas-12:06 sa Hulyo 27.
Batay naman ito sa population projections ng Philippine Statistics Authority, kung saan sinasabing tatlong sanggol ang ipinanganganak kada minuto.
Ayon kay Dr. Juan Antonio Perez III, executive director ng Commission on Population (POPCOM), may ilang sanggol din silang pipiliin sa ibang lugar sa bansa.
Bukod pa umano ito sa 98 na iba pang sanggol na isinalang sa normal delivery sa nakalipas na magdamag sa mga government facility sa bansa.
Bibigyan ng health insurance ng PhilHealth, gayundin ng P5,000 halaga ng starter kit na naglalaman ng mga lampin at kumot ang bagong silang na sanggol.
Mayroon din itong regular medical check-ups at complete immunization.
Ang mga ito ay tututukan at magiging ‘indicator’ kung naibibigay ba ng pamahalaan ang mga pangangailangan ng mga sanggol hanggang sa kanilang paglaki.
Ayon naman kay Health spokesperson Dr. Lyndon Lee-Suy, makasaysayan ang pagsilang sa mga sanggol dahil indikasyon umano ito ng panibagong hamon at pakikipagsapalaran sa buhay.
- Latest