Senate hearing sa DAP binira nina Jinggoy, Bong
MANILA, Philippines - Binatikos kahapon ng nakakulong na sina Senators Jinggoy Estrada at Bong Revilla ang tila pagdepensa ng ilang senador kay Budget Secretary Butch Abad na humarap sa imbestigasyon ng Senado sa kontrobersiyal na Disbursement Acceleration Program (DAP).
Pinanood umano ni Estrada ang buong pagdinig at maliwanag ang ginawang pagtatanggol ng ilang senador sa DAP.
Hindi na umano masyadong nahirapan si Abad at ang tanging ginawa na lang ay sumang-ayon sa sinasabi ng ilang senador dahil ang mga ito na ang mistulang nagpaliwanag para sa kalihim.
Tinawag din ni Estrada na ‘scripted” ang nasabing hearing na ang layunin lamang aniya ay malinis ang Malacañang sa isyu.
Ayon naman kay Revilla, nakakalungkot ang matamlay na pagbibigay pansin ng ilang senador sa isyu ng DAP at pagdepensang ginawa para kay Abad.
Sinabi ni Revilla na lantaran ang ginagawang pagkakampihan ng Malacañang at mga kaalyadong senador pero umaasa umano siya na lalabas pa rin ang katotohanan.
- Latest