PNoy may mensahe sa bayan sa Lunes
MANILA, Philippines - Nakatakdang magbigay ng kanyang televised speech si Pangulong Noynoy Aquino sa Lunes, Hulyo 14.
Ayon kay Presidential Communications Secretary Sonny Coloma, ibibigay ng Pangulo ang kanyang mensahe sa bayan sa ganap na alas-6 ng hapon.
Inaasahang isa sa mga isyung pagtutuunan ng pansin ng Pangulo ay ang Disbursement Acceleration Program (DAP) at ang pondong nagamit dito.
Hiniling ng Malacañang sa pamamagitan ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), na ipalabas ng live ang gagawing pahayag ng Pangulo.
Matatandaan na idineklara ng Supreme Court na labag sa Konstitusyon ang ilang bahagi ng DAP na naging dahilan upang may manawagan sa pagbibitiw ni Budget Secretary Florencio Abad pero hindi ito tinanggap ng Pangulo.
Nabunyag ang tungkol sa DAP ng akusahan ng nakakulong na si Senator Jinggoy Estrada ang Malacañang na nagbigay ng suhol o reward sa mga bumoto ng pabor sa pagpapatalsik kay dating Supreme Court chief justice Renato Corona.
Pero inihayag ng Palasyo na ang karagdagang pondo ay mula sa DAP kung saan nakapaloob ang mga programang inaasahang magpapasigla sa ekonomiya.
- Latest