Senate probe sa ‘White House’ ni Purisima haharapin ng PNP-
MANILA, Philippines - Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na harapin ang imbestigasyon na ipatatawag ni Sen. Grace Poe sa Senado upang pagpaliwanagin si PNP Chief Director Alan Purisima sa kontrobersyal na isyu ng bagong ipinatatayong ‘white house’ o opisyal na tirahan ng mga matataas na lider ng pambansang pulisya.
Ayon kay PNP spokesman Chief Supt. Reuben Theodore Sindac, mabibigyan ng pagkakataon si Purisima na liwanagin sa publiko ang katotohanan.
Una nang inihayag ni Purisima na donasyon lamang ang ginasta sa pagpapatayo ng ‘white house’ at hindi ito galing sa pondo ng PNP.
Samantalang pinalutang naman ng mga kritiko na nagkakahalaga ng P25 M ang ‘mansion, na ipinatatayo ng PNP pero ayon sa mga opisyal nito na aabot lamang ito sa P12 M na donasyon at wala ni isang kusing na ginasta ang PNP.
Iginiit pa ni Sindac na naipaliwanag na ng PNP sa media ang isyu at naniniwala silang nagawa nila ng tama ang kanilang mga trabaho.
Ayon kay Sindac, hindi cash ang natanggap na donasyon ng PNP sa pagpapatayo ng mansion kundi sa pamamagitan ng ‘built and design project’.
“Pictures lang allowable, we are in a camp not a public place, we have to observe rules and regulation,” tugon naman ni Sindac nang matanong kung puwedeng mabisita ng media ang nasabing white house.
Muli ring iginiit ng opisyal na nagdesisyon ang PNP na magpatayo na lamang ng bagong ‘white house’ sa halip na ipa-renovate ang lumang bahay dahil higit na magastos ang magkumpuni ng lumang istraktura.
Bukod dito ay binabaha ang lumang ‘white house’ sa tuwing may malakas na bagyo tulad ng pananalasa ni Ondoy sa ilang bahagi ng Metro Manila noong 2009.
- Latest