Pagbenta ng lote ng gov’t pinasisiyasat
MANILA, Philippines - Nanawagan si ABAKADA Rep. Jonathan dela Cruz ng isang agarang imbestigasyon sa naging conversion at kinalauna’y pagbebenta ng 50 ektaryang lupain ng gobyerno sa National Government Center (NGC) o mas kilala bilang North Triangle sa Quezon City.
Sinabi ni dela Cruz na dapat ipaliwanag ng National Housing Authority (NHA) na siyang administrador ng NGC ang naturang transaksyon.
Sa isang House resolution, sinabi ni dela Cruz na ang NGC ay itinalaga ng pambansang pamahalaan bilang paglilipatan ng mga tanggapan ng gobyerno upang mapagbuti ng mga ito ang paglilingkod sa sambayanan.
Ang NGC ay nasa North Ave, Elliptical Road, Quezon Ave. at EDSA. Kabilang sa mga tanggapang matatagpuan doon ang Occupational Health and Safety Administration (OHSA), Children’s Medical Center at National Kidney and Transplant Institute.
Idiniin ni dela Cruz na dapat nasiyasat ang bentahan upang matiyak na wala itong nalabag na batas at hindi maaagrabyado ang pamahalaan lalo na ang taumbayan, sa magiging bunga nito.
- Latest