Pag-upo ni Sarmiento sa human rights board kinuwestiyon sa SC
MANILA, Philippines - Pinapipigilan sa Korte Suprema ng ilang grupo ang pagkakatalaga ni retired General Lina Sarmiento bilang pinuno ng Human Rights Claims Board.
Sa petisyong inihain kahapon kasabay ng EDSA People Power anniversary, hiniling ng mga petitioner na pawang mga biktima umano ng human rights violation noong panahon ng Martial Law, na pigilan at ipawalang bisa ang pagkakahirang kay Sarmiento.
Kabilang sa mga naghain ng petisyon ang Bayan Muna, Selda, Karapatan at National Union of People’s Lawyers.
Naniniwala ang mga petititioner na nagkaroon ng grave abuse of discretion sa panig ni Pangulong Aquino nang italaga nito si Sarmiento na anila ay hindi naman kwalipikado para mamuno ng Human Rights Claims Board.
Sa ilalim umano ng Republic Act 10-368 o Human Rights Victims Reparation Act of 2013, ang pinuno ng board ay dapat na may malalim na pang-unawa sa karapatang pantao at aktibong nakikilahok sa pakikipaglaban para sa katarungan para sa mga nabiktima ng karapatang pantao noong rehimeng Marcos.
Si Sarmiento ay dating miyembro ng Philippine Constabulary-Integrated National Police na kasama umano sa mga lumalabag sa karapatang pantao noong batas militar.
Hinirang din si Sarmiento bilang hepe ng PNP Community Relations Group sa ilalim ng counter insurgency program ng gobyerno na ayon sa mga petitioner ay naging makinarya ng pamahalaan para pagtakpan ang mga kaso ng extra judicial killings at enforced disappearances.
- Latest