Florida bus suspendido ng 30 days
MANILA, Philippines - Sinuspinde ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 30 araw ang operasyon ng Florida Transport matapos masangkot sa aksidente ang isa nitong bus na kumitil sa 15 katao at nakasugat sa marami pa nitong pasahero nitong nagdaang Biyernes.
Ang suspension order ay naisilbi na kahapon ng alas 9:20 ng umaga ni Eugene Maribao ng legal division ng LTFRB sa Florida Transport sa terminal nito sa Earnshaw, Sampaloc sa Maynila at sa Cubao, QC terminal nito alas 10:30 ng umaga kahapon.
Bunga nito, sinabi ni LTFRB Chairman Winston Ginez, bawal nang bumiyahe ang lahat ng unit ng Florida Transport sa anumang panig ng bansa ngayong natanggap na ang suspension order nito.
Sinasabing may 238 unit ng bus ang Florida.
Ani Ginez, nakagawian na suspendihin ng ahensiya ang operasyon ng bawat bus unit na nasasangkot sa aksidente upang bigyang daan pa ang kanilang imbestigasyon kaugnay ng trahedya at kung ano pa ang maaaring mailapat na parusa sa bus company depende sa nilabag nitong mga patakaran ng LTFRB.
Magugunita na nahulog ang isang Florida bus na may plakang TXT 872 sa isang bangin sa Bontoc, Mt. Province. Kabilang sa nasawi ang komedyanteng si Tado, Arvin Jimenez sa tunay na buhay, at dalawang dayuhan na sina Canadian national Alex Loring at Deutch national Anne Martina Adriana Van De Ven. Nasa 32 iba pa ang sugatan.
- Latest