Enrile may P891M ‘pork’ sa 2014 budget – Miriam
MANILA, Philippines - Inakusahan kahapon ni Senator Miriam Defensor-Santiago si Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile na may P891M pork barrel sa 2014 national budget na niratipikahan na kahapon ng Senado.
Sumulat si Santiago kay Department of Budget and Management Florencio Abad upang igiit dito na irekomenda kay PaÂngulong Aquino na i-veto ang P890,886,000 nakalaan para sa Cagayan Economic Zone Authority.
Bagaman at hindi direktang nakapangalan kay Enrile ang nasabing budget kundi sa CEZA, nais ni Santiago na matanggal pa rin ito sa General Appropriations Act ng 2014 dahil ang nasabing economic zone umano ay pinapatakbo ng pamilya ni Enrile.
Muling iginiit ni Santiago na ang CEZA ay notorious sa smuggling at illegal gambling.
Idinagdag ni Santiago na kahit pa may Special Provision sa 2014 national budget, maituturing pa ring ilegal at immoral ang pagbibigay ng budget sa CEZA dahil magiging lump sum umano ito na puwedeng gastusin sa discretion ni Enrile.
Ayon pa kay Santiago, ang ibang economic zones sa bansa ay binibigyan lamang ng nasa P300 milyon hanggang P500 milyon na budget taun-taon pero ang CEZA ay palaging nakakatanggap ng halos P1 bilyon.
Kinuwestiyon ni Santiago kung ano ang naitutulong ng CEZA sa ekonomiya ng bansa para bigyan ng malaking budget.
- Latest















