P879-M SARO itinanggi ng DBM
MANILA, Philippines - Itinanggi ni Budget Sec. Florencio Abad na nagpalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng P879 milyong Special Allotment Release Order (SARO) para sa farm to market roads.
Ayon kay Sec. Abad, mga peke ang SARO na sinasabi at hinahayaan na nila ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) ang mag-imbestiga hinggil dito.
Sinabi pa ni Abad, nabisto nila ang pekeng mga SARO sa pakikipagkoordinasyon ni Sec. Proceso Alcala ng Department of Agriculture (DA).
Wika pa ni Abad, maging sa ibang departamento ay may umiiral pa ring mga pekeng SARO at nahihirapan silang matukoy kaagad ang mga ito.
Ibinuko ng mga regional directors ang mga pekeng SARO na may mga pekeng pirma habang ang original nito ay wala pa naman mga lagda kaya kaagad na ipinag-bigay alam sa DBM.
Samantala, pinaiimbestigahan ni Agriculture Sec. Proceso Alcala ang umanoy nasa likod ng pagpapalabas ng mga pekeng SARO sa loob ng Department of Agriculture (DA).
Ayon kay Alcala, ang modus operandi ng sindikato ay nagpapakilalang mga abogado ng assistant secretary ng DA at dala ang pekeng kopya ng SARO para sa mga Local Government Units (LGUs)
Binigyang diin ni Alcala na ang mga SARO na dapat sana ay gagamitin para sa sinasabing farm-to-market road projects ay kailangang dumaan muna sa kanilang regional offices at sa main office ng DA para ito mismo ang magbibigay ng go signal para maipalabas ang pondo.
- Latest