Maguindanao massacre Paglilitis tiniyak na ‘di maaantala
MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng Malacanang na sisiguraduhin nilang walang mangyayaring pagkaantala sa paglilitis sa mga akusado sa Maguindanao massacre.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte, naiintindihan nila ang “complexity†ng nangyayaring paglilitis dahil sa dami ng mga testigo pero nauna ng ipinag-utos ni Pangulong Benigno Aquino III na iwasang maantala ang pagdinig ng kaso.
Inihayag din ni Valte na iginagalang ng Malacanang ang hiwalay na kapangyaring ng sangay ng Ehekutibo at ng Judiciary at umaasa silang mapapabilis ang pagresolba sa kaso.
Ginawa ni Valte ang pahayag matapos mapaulat na sinabi ni Judge Jocelyn Solis-Reyes na posibleng sa 2016 pa magkaroon ng resolusyon sa kaso o sa katapusan ng termino ni Pangulong Benigno Aquino III.
Iginiit ni Valte na ayaw naman nilang i-pressure ang korteng may hawak ng kaso at hayaang dumaan sa mga kinauukulang proceedings.Ginunita kahapon ang ikaapat na anibersasyo ng Maguindanao massacre.
Samantala, 88 pa mula sa kabuuang 196 suspek sa malagim na Maguindanao massacre noong 2009 na kumitil ng buhay ng 57 katao ang patuloy na tinutugis ng mga awtoridad kaugnay ng paggunita kahapon sa karumaldumal na krimen may apat na taon na ang nakalilipas.
Sa tala ni PNP-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director P/Chief Supt. Francisco Uyami, sa taong ito ay walong suspek lamang ang karagdagang nasakote. Patuloy naman ang pagsigaw ng hustisya ng pamilya at mga kaibigan ng mga nasawi kabilang ang mga kamag-anak at mga mahal sa buhay ng 32 mediamen na nadamay sa massacre sa Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 23, 2009.
Ang pamilya at mga kaibigan ng mga nasawing biktima ay dumalaw, nag-alay ng bulaklak at panalangin sa nasabing lugar na pinangyarihan ng krimen.
Samantalang, kamakalawa ay sinabi ni Atty. Harold Roque , abogado ng pamilya ng mga biktima ng Maguindanao massacre na idudulog na nila sa United Nations ang kaso upang makakuha ng kompensasyon dahil sa mabagal umano ang hustisya sa ilalim ng pamahalaan.
- Latest