Death toll kay Yolanda: 2,275

MANILA, Philippines - Umaabot na sa 2,275 ang nasawi, 3,365 ang nasugatan habang nasa 80 pa ang nawawala sa pananalasa ng super bagyong Yolanda sa Visayas Region partikular na sa Leyte at Samar. 

Sa press briefing, sinabi ni NDRRMC Exe­cutive Director Eduardo del Rosario na taliwas sa naunang napaulat na espekulasyon na posibleng umabot sa 10,000 ang nasawi sa kalamidad ay aabot lamang ito sa kulang-kulang 2,500 dahil 80 na lamang ang nawawala.

Ayon pa sa opisyal, may basehan ang iniha­yag na pagdududa ni Pa­ngulong Aquino sa 10,000 bilang ng mga posibleng namatay sa super bagyo na iginiit na base sa imbestigasyon ng mga awtoridad ay hindi na ito lalagpas sa 2,500 patay.

Idinagdag pa nito na may protocol silang sinusunod sa NDRRMC na tanging ang mga narerekober lamang na bangkay ang maaring bilangin at hindi dito kabilang ang mga sabi-sabi lamang na hindi naman natagpuan.

Pinakamalaking bilang ng mga nasawi ay mula sa Leyte partikular sa lungsod ng Tacloban na nasa 244 na ang narekober na bangkay pero ayon sa alkalde dito na si Mayor Alfred Romualdez ay tinatayang nasa 500-600 ang nasawi sa kaniyang hurisdiksyon.

Umaabot naman sa mahigit 1,000 pa ang nasawi sa iba pang bahagi ng lalawigan habang sa Samar ay nasa 200 na.

Kabilang pa sa mga nasawi ay isa sa lalawigan ng Quezon, isa sa Batangas, 5 sa Palawan, isa sa Masbate, isa sa Camarines Norte habang 68 naman sa Region VI o Western Visayas na kinabibilangan ng Iloilo, Aklan, Antique at Capiz.

Naitala naman sa 69 ang patay sa Cebu at isa sa Bohol na una ng tinamaan ng 7.2 lindol noong Oktubre 15, 2013.

Nasa P760M ang inis­yal na pinsala na inaasahang tataas pa habang patuloy ang assessment ng mga awtoridad.

 

Show comments