Bgy. election kasado na
MANILA, Philippines - Kasado na ang idaraos na barangay elections sa Lunes, Okt. 28, 2013.
Ito ang kinumpirma ni Commission on Elections (Comelec) spokesman Executive Director James Jimenez sa ginanap na weekly forum ng Manila City Hall Press Club (MCHPC) sa Mabuhay Restop sa Roxas Boulevard.
“All systems go na tayo sa barangay election, handang-handa na ang Comelec, katunayan, ngayon ang huling araw ng pamamahagi ng mga election paraphernalias sa mga eskwelahan,“ wika ni Jimenez.
Binalaan naman ni Jimenez ang mga kandidato sa barangay kaugnay sa mga election offenses na maaari nilang kaharapin ngayong panahon ng kampanyahan.
Ayon kay Jimenez, karaniwang reklamo at sumbong na nakakarating sa tanggapan ni Comelec Chairman Atty. Sixto Brillantes ay overspending sa pangangampanya, paglabag sa campaign paraphernalias, pag-endorso ng mga politiko o partido sa kandidato at iba pa kahalintulad na kaso.
“Mananatili po ang P5 per voter ang nakatala na gastusin ng isang kandidato sa barangay, bawal po ang pag-endorso ng sinuman politiko o grupo,“ sabi ni Jimenez.
Kaugnay nito, malabong sumailalim sa automated election ang Barangay kahit sa mga susunod na halaÂlan. Ito’y dahil sa hindi pa naaprubahan ang sychronized election sa Kongreso na pagsasanib sa barangay sa mga local at national elections.
Aniya, mananatili ang manual election sa mga susunod pang taon hangga’t walang aksyon sa pagsasabatas ng sychronized election sa Kongreso.
Samantala tanging sa buong probinsya ng Bohol na tinamaan ng lindol at Zamboanga City na nakaranas naman ng karahasan ang pansamantalang sinuspinde ng Comelec ang barangay election.
Itinakda sa pagitan ng Nob. 24-29 ang halalan doon.
- Latest