De Lima sinabon ni Guingona
MANILA, Philippines - Sinabon kahapon ni Sen. Teofisto Guingona Jr., si Justice Secretary Leila de Lima dahil sa tahasan nitong pagsuway sa naunang utos ng Senate Blue Ribbon committee na dalhin sa pagdinig ang mga whistleblowers sa pagpapatuloy ng hearing tungkol sa P10 bilyong pork barrel scam.
Ginawang sangkalan ni de Lima ang pagsasampa ng kaso ng DOJ laban sa mga sangkot sa pork barrel scam sa Office of the Ombudsman.
Ayon kay de Lima, hihintayin muna niya ang desisyon ng Ombudsman kung papayagan ang mga whistleblowers na dumalo sa hearing dahil nasa jurisdiction na umano ng Ombudsman ang kaso tungkol sa pork scam.
Pero hindi kinatigan ni Guingona ang paliwanag ni de Lima at iginiit nitong independent na branch ng gobyerno ang Senado at hindi ito saklaw ng Ombudsman.
Una nang napag-usapan noong nakaraang linggo nina de Lima at ng komite ni Guingona na dadalhin muli si Benhur Luy at ang iba pang mga testigo sa pagpapatuloy ng pagdinig.
Agad namang humingi ng paumanhin ang kalihim na agad ding tinanggap ni Guingona.
Nagdesisyon si Guingona na magpapalabas ng subpoena laban kay de Lima upang dalhin nito sa Huwebes ang mga whistleblowers.
Tiniyak naman ni de Lima na susundin na niya ang kautusan ng komite na padaluhin ang mga testigo sa pork hearing.
Inamin naman ni Levito Baligod, abogado ng 10 whistleblower na may pag-aalinlangan sila kung sapat na ang testimonya ni Luy.
Sakaling muling humarap sa Senado, nais ni Baligod na limitahan ang magiging pahayag ng mga whistleblower ukol sa scheme ng scam ni Janet Lim-Napoles.
- Latest