JPE, Jinggoy, Bong suspindihin!
MANILA, Philippines - Pabor si Senator Grace Poe na suspindihin sina Senate Minority Leader Juan Ponce Enrile, Senators Jinggoy Estrada at Ramon Bong Revilla Jr. habang hinaharap nila ang kasong plunder kaugnay sa P10 bilyong pork barrel fund scam.
Ayon kay Poe, chairman ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, naniniwala siya na dapat magkaroon ng suspensiyon habang isinasagawa ang trial bagaman nasa Ombudsman pa lamang ang reklamo at hindi pa naisasampa sa Sandiganbayan.
Sinabi pa ni Poe na nagugulat siya na may ilang opisyal ng gobyerno na kahit may kinakaharap na non-bailable offense o walang piyansang kaso ay nananatili pa rin sa puwesto.
Kahit aniya charge o reklamo pa lamang ay dapat suspendihin ang isang opisyal mula sa kanyang posisyon.
Hinimok din Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang mga senador na magpahinga muna sa ngalan ng delicadeza.
Apela ni Bishop Pabillo, dapat ay magbakasyon sina Enrile, Estrada at Revilla para bigyang pagkakataon ang patas na imbestigasyon kaugnay sa kinakaharap na plunder.
Nilinaw rin ng Obispo na bagamat kakampi ng Simbahan ang tatlong Senador sa usapin ng RH Law ay hindi nangaÂngahulugan na magsasawalang-kibo ang Simbahan sa usapin ng pork barrel.
Bukod sa naturang mga senador, kabilang rin sa mga sinampahan ng kasong plunder si Janet Lim-Napoles, na itinuturong mastermind ng pork barrel scam operations, at sina dating Masbate 3rd district Rep. Rizalina Seachon-Lanete at former Apec Rep. Edgar Valdez.
Samantala, ipagpapatuloy ng Senate Blue Ribbon committee ang imbestigasyon sa daraÂting na Setyembre 24.
Inaasahang dadalo ulit ang pangunaÂhing whistleblower na si Benhur Luy at posibleng makasama pa niya ang iba pang whistleblowers.
- Latest