Singil sa kuryente tataas
MANILA, Philippines - Inianunsiyo kahapon ng pamunuan ng Manila Electric Company (MERALCO) na makakaranas nang pagtaas ng singil sa kuryente ng 18 sentimo kada kilowatt hour (kWh) ngayong Setyembre o P36 sa bawat residential costumer na kumukonsumo ng average na 200-kWh ng kuryente kada buwan.
Ayon sa MERALCO, ang pagtaas ng power rates ngayong buwan ay bunsod umano nang pagtaas ng generation at transmission charges.
Sinabi ng MERALCO, bagamat bumaba ang rates ng bagong Power Supply Agreements (PSAs) at Independent Power Producers (IPPs), ng tatlong sentimo per kWh dahil sa paghusay ng capacity factor ng ilang planta at pagbawas ng coal price para sa supply month ng Agosto, gayundin ang buwis na bumaba naman ng apat na sentimo per kWh ay hindi naman ito masyadong naramdaman dahil sa pagtaas ng generation at transmission charges.
Sinasabing nagkaroon ng 13-centavo per kWh increase sa generation charge dahil na rin sa P 8.70 per kWh upward adjustment sa halaga ng elektrisidad na mula sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Tumaas rin ang transmission charge ng walong sentimo dahil sa mas mataas na halaga ng ‘ancillary service charges’ habang ang iba pang singilin ay tumaas rin ng isang sentimo per kWh.
Nilinaw naman ng MERALCO na sa kabila nang pagtaas ng power rates, ang generation charge ngayong buwan na umabot ng P5.17 per kWh ay mas mababa pa rin ng 62 sentimo kumpara sa generation charge noong Enero 2013 na P5.79 per kWh, matapos na maipasa ang PSAs.
- Latest