Litrato ni Mayor Co ikinalat sa NAIA
MANILA, Philippines - Nakapaskil na sa mga counter ng Bureau of Immigration (BI) sa departure area ng Ninoy Aquino International Airport terminal ang mga litrato ni Pagadian City Mayor Samuel Co para mapigilan siyang makalabas ng bansa.
Kabilang si Co sa 12 kinasuhan ng syndicated estafa ng Department of Justice dahil sa umano’y kaugnayan ng mga ito sa multi-billion investment scam ng Aman Futures Group Philippines Inc.
Nauna rito, inatasan ni Justice Secretary Leila de Lima ang BI noong Biyernes na tiyaking hindi makakaalis ng Pilipinas si Co makaraang ipalabas ng Iligan City Regional Trial Court Branch 1 ang arrest warrant laban sa alkalde.
Ipinaalala ni de Lima sa immigration ang look-out order o Look Bulletin order (LBO) laban sa akusadong alkalde.
Inatasan din nito ang National Bureau of Investigation na magtrabaho nang doble para matunton ang kinaroroonan ng alkalde.
Tiniyak ng kalihim na hindi makakalabas ng bansa si Co kahit wala pang hold departure order mula sa korte.
Ipinaliwanag din niya na ang arrest warrant ay epektibo ng HDO dahil maaari siyang dakpin ng Immigration authorities at dalhin siya sa NBI o Philippine National Police kapag nasabat siya sa paliparan.
Sinabi naman ni Immigration supervisor on-duty Mario de Vega na, kapag nasabat nila si Co, agad nilang pasasabihan ang kanilang mga superior bago ito ipasa sa NBI o pulisya.
Ang kasong isinampa ng DOJ sa Iligan RTC ay kaugnay ng unang set ng mga kaso laban kay Co na isinampa ng mga biktima na namuhunan ng kabuuang P29,633,000 sa Aman noong Agosto at Setyembre ng nakaraang taon.
- Latest