Singil ng Meralco tataas ngayong Marso
MANILA, Philippines - Tataas ng P0.10 kada kilowatt hour (kWh) ang singil sa kuryente ng Manila Electric Company (Meralco) ngayong Marso bunsod na rin nang pagpapatupad nang inaprubahang pagbawi sa stranded contract costs ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corp. (PSALM) ng Napocor.
Ang stranded contract cost na P0.1938 kada kWh, ay tumutukoy sa labis na contracted cost ng kuryente sa ilalim ng eligible contracts ng Napocor sa mga independent power producers (IPPs).
Nauna nang inaprubahan ng Energy Regulation Commission (ERC) ang PSALM upang mabawi ng Napocor ang kanilang stranded contract cost na P53.581 bilyon mula sa lahat ng power consumers.
Mararamdaman umano ang naturang pagtaas sa universal charge component ng electricity bill ngayong Marso.
Sa isang pahayag, sinabi naman ng Meralco na bumaba ang kanilang generation charge ng singko sentimo o mula P5.19 per kWh ngayong Marso mula sa dating P5.24 per kWh noong Pebrero.
Ito na umano ang pinakamababang singil nila sa generation charge simula Mayo 2011, na dulot naman ng mas mababang halaga ng kuryente na nabili nila mula sa kanilang bagong PoÂwer Supply Agreements (PSAs) at IPPs.
Bumaba rin umano ang transmission at system loss charges sa mga residential customers ng tatlong sentimo kada kWh.
- Latest