Nagpaputok ng baril sa Bagong Taon hanapin!
MANILA, Philippines - Hindi dapat tumigil ang mga alagad ng batas sa paghahanap sa mga taong nasa likod ng ‘indiscriminate firing’ dahil dapat managot ang mga ito sa kanilang maling ginawa.
Ito ang panawagan ni Senadora Loren Legarda sa Philippine National Police (PNP), matapos na maitala ng pulisya ang 40 kaso ng ‘indiscriminate firing’ sa pagdiriwang ng New Year sa kabila ng pagsiselyo sa mga baril ng mga pulis bago pa man salubungin ang Bagong Taon.
Sabi ni Legarda, dapat nang tukuyin at kasuhan ng PNP ang mga taong nasa likod ng walang habas na pagpapaputok noong selebrasyon ng Bagong Taon na ikinamatay ng dalawa katao, kabilang ang pitong taong gulang na batang babae sa Caloocan City.
Dahil sa pagdami ng kaso ng ‘indiscriminate firing’, sinabi ni Legarda na dapat kontrolin ang pag-isyu ng mga baril bukod sa dapat sugpuin ang mga ‘loose firearms’ sa bansa.
“Unang-una dapat talagang i-regulate iyang firearms hindi pwedeng maraming loose firearms at pangalawa hindi puwedeng may lisensiya pero mali ang ginagawa,†ani Legarda, chairman ng committee on foreign affairs at committee on climate change.
Sa record ng PNP, umabot na sa 363,00 ang loose firearms habang mahigit sa 573,000 mga baril ang hindi pa nari-renew ang mga lisensiya.
Sinabi pa ni Legarda na pabor sa ‘gunless society’ dahil makakatulong ito para mabawasan ang kriminalidad at magkaroon ng katahimikan o kaayusan sa lipunan.
- Latest