Pagtititulo sa Boracay hinarang ni Osmeña
MANILA, Philippines - Malungkot na balita sa mga taga-Boracay. Hinarang ni Senador Sergio Osmeña ang bill na magbibigay sana ng free patent sa mga may-ari ng lupain sa Boracay.
Nauna rito, binatikos ng isang Kongresista si Osmeña nang harangin din ang pagrire-distrito sa probinsiya ng Aklan.
Ang House Bill 4796 na isinumite ni lone district of Aklan Rep. Florencio Miraflores ay isang panukalang batas na naglalayong mai-rehistro ng libre sa pangalan ng taong nangungupahan sa isang lupain sa Boracay ang hindi hihigit sa 12 hektarya at kinakailangang humigit kumulang 30 taon niya itong tinirahan.
Agarang nakapasa sa Kongreso ang panukala matapos ang ikatlong pagbasa dahil isa ito sa mga nakikitang solusyon sa problema ng land titling.
Suportado ni DENR)Sec. Ramon Paje ang nasabing panukalang batas sa parehong dahilan.
Umani din ng suporta ang House Bill 4796 sa Senado sa pamamagitan ng Senate Bill 3275 na agad isinumite ilang araw matapos makapasa ang HB 4796 ni Cong. Miraflores sa Kongreso.
Ngunit, tinutulan ni Sen. Osmeña ang panukalang batas sa hindi malaman dahilan.
Matatandaang ang kanyang pagharang sa pagdinig ng HB 3860 (na siyang pumapabor sa paglikha ng ikalawang distrito ng Aklan) ay nagdulot ng malaking panghihinayang sa mga Aklanon dahil sa nawalang PDAF (Priority Development Assistance Fund) na P70M kada taon o P210M sa loob ng termino ng hihirangin sanang kongresista.
Kaya naman doble dagok ang pagbaril ni Osmeña sa House Bill 4796 para sa mga Aklanon.
Tila hinaharang umano ni Sen. Osmeña ang bawat panukalang isinusumite para sa ikauunlad ng probinsya ng Aklan. Kung iisipin, malaki ang maitutulong ng pagbibigay ng libreng rehistro ng lupa sa isla ng Boracay sa mga Aklanon at ibang nagmamay-ari nito.
- Latest

















