Anti-Bullying pinaaaksyunan
MANILA, Philippines - Hinimok ni Aurora Rep. Edgardo “Sonny” Angara ang Senado na aksiyunan at isabatas na ang Anti-Bullying Bill bago matapos ang 15th Congress sa Hunyo.
Naaprubahan na noong Disyembre 2011 sa Mababang Kapulungan ang bersiyon nito ng panukalang batas – ang House Bill No. 5496 – subalit nakabimbin pa rin ang bersiyon ng Senado sa komite simula 2010.
Si Angara ay isa sa mga may-akda ng bersiyon ng Kamara ng panukalang batas.
“Nakaantabay lang kami sa aming kasamahan sa Senado. Kailangan namin ng kanilang approval at ang pinagsamang mga bersiyon ng Kongreso at Senado bago pirmahan ni Pangulong ‘Noy ang pagsasabatas ng Anti-Bullying Bill,” ani Angara, chairman ng House Committee on Higher and Technical Education.
Kapag naisabatas ang HB 5496, ipag-aatas sa mga paaralang elementarya at hayskul na magkaroon sila ng mga patakaran o polisiya laban sa bullying o pananakot na ipatutupad sa kanilang campus.
Mamamahagi rin ng manwal tungkol sa pagsugpo sa bullying sa mga mag-aaral, guro, magulang, at tagapangalaga o guardian.
Tumutukoy ang bullying sa anumang malubha o paulit-ulit na paggamit ng isa o maraming mag-aaral ng pahayag na nasusulat, berbal o elektroniko, o pamimisikal o pag-amba, o anumang kombinasyon ng mga ito, na nakapuntirya sa ibang mag-aaral, na mayroong epektong nalalagay ang huli sa takot ng sakit na pisikal o emosyonal o pagkasira ng kanyang mga pag-aari.
“Kapag nasa school na ang bata, pananagutan na ng mga namamahala ng paaralan ang anumang mangyayaring masama sa kanya. Gustong tiyakin ng aming panukalang batas na tugunan ng mga paaralan ang problema bullying o pananakot at magkaloob sila ng ligtas na kapaligaran para sa kanilang estudyante,” anang mambabatas.
- Latest