Abalos, pinayagang makabiyahe pa-Taiwan
MANILA, Philippines - Pinayagang makabiyahe patungo ng bansang Taiwan para sa kanyang negosyo na palaisdaan ang dating Commission on Election (COMELEC) Chairman Benjamin Abalos Sr. makaraang katigan ng korte ang kanyang kahilingan.
Sa desisyon na inilaban kahapon ni Judge Jesus Mupas ng Pasay City Regional Trial Court branch 112, nakitaan umano ng huwes ng sinseridad ang kampo ni Abalos sa pangako na babalik sa bansa sa oras na matapos na ang kanyang pakikipagpulong sa Taiwan.
Itinakda ang biyahe ni Abalos sa Taiwan ngayong Martes at inaasahang babalik ng Pilipinas sa Nobyembre 30. Sa unang isinumiteng mosyon ni Abalos, nais umano niyang makipagpulong sa mga negosyante sa Taiwan ukol sa ibinibenta na higit na murang imported na semilya ng bangus na siyang gagamitin nito sa kanyang negosyo sa bansa.
Pinaglagak naman si Abalos ng P200,000 cash bond para sa naturang biyahe.
Sa kabila nito, hindi naman tiyak pa kung talagang makatutuloy sa kanyang biyahe si Abalos dahil sa hindi pa naman nagpapalabas ng desisyon ang Pasay RTC branch 117 na dinidinig din ang 11 pang bilang ng kasong electoral sabotage habang una na ring tinanggihan ng Sandiganbayan ang isinampang mosyon nito noong Oktubre 29.
- Latest