Suspek sa pagdukot kay Go, sumuko
MANILA, Philippines - Sumuko kahapon ang isa sa mga hinihinalang sangkot sa pagdukot sa bilanggong si Rolito Go sa compound ng New Bilibid Prison (NBP) noong Agosto sa Muntinlupa City dahil umano sa takot matapos makatanggap ng pagbabanta sa kanyang buhay.
Unang sumuko sa lokal na opisyal ng Sto. Tomas, Batangas si Reynaldo Tatad bago siya dinala sa chief of police ng naturang bayan na nagdala naman sa kanya kay Sr. Supt. Danilo Maligalig, ang Deputy District Director for Operation ng Eastern Police District (EPD).
Isinuko naman ito ng EPD sa tanggapan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Director Leonardo Espina.,
Sinabi ni Tatad na bukod sa pagbabanta sa kanyang buhay, nais din niyang linisin ang kanyang pangalan at patunayan na wala siyang kinalaman sa pagdukot kay Go.
Sa kanyang pahayag kay Espina, sinabi ni Tatad na siya ang may-ari ng kubo sa Sto. Tomas na pinagdalhan kay Go ng kanyang kaibigang si Roland at mga kasamang nakilala lamang niya sa mga alyas na Jay-R at Jerry at isa pang naka-maskarang lalaki.
Aniya, tinanggap niya ang grupo sa paniwalang magpapahinga lamang ang mga ito subalit nang makita niyang sinasaktan ng nakamaskarang lalaki si Go at pamangkin nitong si Clemence Yu at binantaan na papatayin, tinulungan niyang makatakas ang dalawa at binigyan pa niya ng P500 pamasahe upang makasakay ng bus.
Matapos ang pangyayari ay bumalik na siya sa normal na pamumuhay hanggang sa ilang kalalakihan na may kahina-hinalang kilos na sumusunod at inaalam ang kanyang mga aktibidad. Dito na aniya siya nagpasyang humingi ng tulong upang sumuko.
- Latest