Pamilya may 1 month para sa blood money Bitay sa Pinoy sa Saudi iniliban
MANILA, Philippines - Pansamantalang nakaligtas sa takdang pagbitay ang Pinoy na si Joselito Zapanta matapos na magbigay ng isang buwang extension ang Saudi government upang makakalap ang pamilya nito ng halagang 5 milyong Saudi Rial o tinatayang P55 milyong blood money kapalit ng kanyang buhay at kalayaan sa Saudi Arabia.
Kinumpirma kagabi ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez na sumagot ang Saudi government sa apela ng pamahalaan sa pakikipagtulungan ng Department of Foreign Affairs, Embahada ng Pilipinas at Vice President Jejomar Binay na huling nagpadala ng kanyang liham at apela kay Saudi King Abdullah bin Abdulaziz Al Saud na humihiling na iligtas sa bitay si Zapanta at bigyan ng sapat na panahon ang pamilya nito na makalikom ng nasabing blood money.
Kahapon ay umapela rin si Binay na tumatayo ring Presidential Adviser on OFWs Concerns sa publiko na taimtim na magdasal at hilingin na hindi matuloy ang pagpapatupad ng parusang bitay kay Zapanta.
Kahapon ay tumulak na patungong Saudi ang ina at kapatid na babae ni Zapanta upang personal na makiusap sa pamilya ng biktima na mabigyan sila ng pagkakataon upang makalikom ng pondo para sa blood money.
Ang dalawang kaanak ni Zapanta ay sinamahan ng mga kinatawan ng DFA-Office of the Undersecretary for Migrant and Workers Affairs patungong Saudi.
Unang nag-demand ang pamilya ng napatay na Sudanese na hanggang Nob. 14 lamang ang deadline ng pagbibigay ng blood money ng pamilya Zapanta kundi’y itutuloy ang bitay
May 400,000 Saudi Rial pa lamang ang nalilikom ng pamahalaan at pamilya Zapanta.
Si Zapanta ay hinatulan ng Saudi Court of First Instance noong Abril 13, 2009 dahil sa kasong murder with robbery sa naturang Sudanese national. (Ellen Fernando/Butch Quejada)
- Latest