‘Takatak’ vendors kabado sa high sin tax
MANILA, Philippines - Nangangamba ang mga “takatak” vendors at mga may-ari ng sari-sari store sa ilalim ng Peoples Coalition Against Regressive Taxation (PCART) na mamatay ang kanilang kabuhayan dahil sa umano’y patuloy na pang-eengganyo ng Department of Finance (DoF) kay Sen. Franklin Drilon, chairman ng Senate Ways and Means Committee, na ipatupad ang plano ng gobyerno na 40 hanggang 45 bilyong pisong buwis kada taon sa pamamagitan ng pagsasabatas ng panukalang Sin Tax sa mga produktong tabako at alkohol.
Iginiit ng maralitang manggagawa sa departamento na patawan na lamang ng buwis ang mga mayayaman at huwag ang maralita.
Ang DOF umano ang nagdisenyo at nangumbinsi sa mga mambabatas na isabatas ang isang bagong buwis para punuan ang kakulangan sa badyet ng gobyerno.
Ayon kay Gie Relova, secretary-general ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino-National Capital Region and Rizal chapter (BMPNCRR), mga kapitalista’t mangangalakal lamang ang dapat patawan ng buwis ng gobyerno at hindi ang buong publiko dahil lohikal lamang na sila ang may kapasidad na magbayad ng buwis hindi tulad ng mga manggagawa’t magsasaka o mga ordinaryong mamimili.
Iminungkahi ni Relova na itaas na lamang ang corporate tax sa halip na itulak ang naturang sistema ng pagbubuwis na dudurog sa hanapbuhay at kabuhayan ng mahigit tatlong milyong produktibong Pilipino.
- Latest