MANILA, Philippines - Sa mga darating na araw, inaasahan na ang paglamig ng panahon dahil sa pagpasok sa bansa ng hanging amihan o malamig na panahon na kalimitang nararamdaman tuwing malapit na ang kapaskuhan.
Ayon kay Elvie Enriquez, weather forecaster ng Pagasa, lalakas ang ihip ng hanging amihan kapag nakalabas na ang bagyong Nina sa darating na Lunes o Martes sa loob ng Philippine area of responsibility (PAR).
Huling namataan ang sentro ng bagyong Nina sa layong 630 kilometro silangan ng Basco, Batanes taglay ang lakas ng hangin na 160 kilometro kada oras at may pagbugso ng hangin hanggang 195 kilometro bawat oras.
Umuusad lamang ang nasabing sama ng panahon sa napakabagal na apat na kilometro kada oras patungo sa pahilagang direksyon.
Bukas ay nasa layong 720 kilometro hilagang silangan ng Itbayat, Batanes ang bagyo at sa Lunes ng umaga ay nasa 810 kilometro hilagang silangan ng Itbayat, Batanes.