Red Cross team ipoposte sa LRT
MANILA, Philippines - Magkakaroon na ng sapat na “emergency teams” sa bawat istasyon ng Light Rail Transit Authority (LRTA) makaraang makipagkasundo sa Philippine Red Cross na maglalagay ng mga tauhan sa rail systems.
Isang Memorandum of Agreement (MOA) ang pinirmahan nina LRTA Officer-in-charge Engr. Emerson Benitez at PRC Chairman Richard Gordon para ipormalisa ang kasunduan. Sa pamamagitan nito, lahat ng pasahero na mangangailangan ng agarang medikal na atensyon ay marerespondehan ng ekspertong medical personnel.
Kabilang sa mga insidente na madalas maganap sa LRT ay mga matatanda o may sakit na hinihimatay dahil sa init o sobrang siksikan, pagkakasugat sa balyahan, pagkakasugat sa mga aksidente at maging mga buntis na inaabutan ng panganganak.
Bukod dito, importante rin umano ang medical at emergency teams sa oras ng pagtama ng mga natural na kalamidad tulad ng bagyo, lindol, at sunog.
Sa ilalim ng MOA, sasanayin ng PRC ang mga tauhan ng LRTA sa “emergency response” at magbibigay ng transportasyon sa mga sitwasyong “emergency”. Nangako naman ang LRTA na susuportahan ang lahat ng programa ng PRC kabilang ang patuloy na paglalagay ng “donation cans” at pagsasagawa ng “blood-letting activities” sa mga pasahero.
Bilang pauna, hinikayat ni Benitez ang mga empleyado ng LRTA na pangunahan ang pagdodonate ng dugo sa PRC.
- Latest
- Trending