P20/kilo bigas inilunsad sa Bacoor, Cavite

MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paglulunsad ng programang “Benteng Bigas, Meron Na!” sa Bacoor City, Cavite.
Layunin ng programa na matulungan ang mga pamilyang Pilipino sa harap ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, sa pamamagitan ng pagbebenta ng bigas sa halagang ?20 kada kilo.
Ang programa na una sanang isasagawa sa Visayas bilang pilot test, ay pinalawak na sa mga lungsod sa labas ng Metro Manila.
Target ng gobyerno na maabot ang 15 milyong benepisyaryo sa buong bansa sa susunod na taon, at ipagpatuloy ang programa hanggang 2028.
Sa Bacoor, 500 sako ng bigas mula sa lokal na magsasaka ang dinala sa KADIWA ng Pangulo outlet sa Zapote-Bacoor Public Market o katumbas ng 10 kilong bigas para sa 2,500 residente sa halagang ?20 kada kilo.
Ang bigas ay binili ng Food Terminal Inc. mula sa National Food Authority (NFA) at ibinenta sa pamamagitan ng mga KADIWA outlets at iba pang kasaling tindahan.
Simula sa araw ng paglulunsad, regular nang makabibili ng P20 bigas ang mga mamimili sa Zapote-Bacoor Public Market.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), mahigit 105,000 pamilya sa Luzon at Visayas ang nakabili na ng higit 800,000 kilo ng bigas mula Mayo 13 hanggang Hunyo 30.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang senior citizens, solo parents, PWDs, mahihirap na pamilya, at mga minimum wage earners. — Cristina Timbang
- Latest
















