MANILA, Philippines - Nakakapagpababa umano ng pagkatao ng isang nais kumandidato ang salitang ‘nuisance candidate’ kung kaya’t dapat lamang na palitan.
Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, masyadong derogatory o nakapagpapababa ng pagkatao ang salitang ‘nuisance candidate’ para sa mga taong ang nais lamang ay makapaglingkod sa bayan.
Base sa paliwanag, ang nuisance candidate ay yaong mga kandidatong itinuturing na panggulo lamang sa proseso ng halalan.
Paliwanag ni Jimenez, kitang-kita naman sa mga tinaguriang nuisance candidate ang kagustuhan na makatulong sa kapwa Filipino ngunit nagkataon lamang na kakaiba ang kanilang mga ideya at wala silang political party.
Kahanga-hanga rin aniya ang tapang ng mga nuisance candidate para lumantad at ilahad ang kanilang plataporma laban sa mga traditional politician.