MANILA, Philippines - Nadadagdagan ang mga mambabatas na naniniwala na dapat ng itaas ang excise tax na ipinapataw sa alak at sigarilyo pero dapat na maging rasonable ang gagawing increase upang hindi maapektuhan ang milyon-milyong manggagawa na umaasa sa industriya.
Kabilang si Sen. Gregorio Honasan sa naniniwala na dapat ring ikonsidera sa napipintong pagtataas sa excise tax ang mga local manufacturers at maging ang mga consumers.
Nagpahiwatig ng pagtutol si Honasan sa sin tax bill na ipinasa ng mga miyembro ng House of Representatives kung saan mistulang hindi ikinonsidera ang kapakanan ng mga magsasaka ng tobacco.
Sa nasabing panukala, halos 700 porsiyento ang itataas ng mga low-priced tobacco products at ang kasalukuyang P2.72 tax rate sa low-priced products ay tataas sa P22 pagpasok ng 2014.
Samantala, nauna ng nagpahayag ng suporta sa excise tax increase si Sen. Antonio Trillanes pero dapat din umanong maging rasonable ang gagawing pagtataas.
Sabi ni Trillanes, dapat maging “realistic” ang target na buwis na nais ng gobyerno na makolekta sa pagtataas ng excise tax sa mga sin products.
Naniniwala naman si Sen. Ralph Recto na maaaring maapektuhan ng mataas na tax rates ang kasalukuyang excise tax collection ng gobyerno na umaabot sa P70 bilyon dahil kung masyadong tataas ang presyo ng sigarilyo ay wala ng bibili nito.