MANILA, Philippines - Minaliit ng Palasyo ang banta ng ilang kritiko na sampahan ng impeachment complaint si Pangulong Aquino kaugnay sa North Rail Project.
Una rito, sinabi ni Atty. Harry Roque na maghahain sila ng impeachment case laban sa Pangulo kung itutuloy nito ang pagbayad ng $500 million hinggil sa ipinahintong kontrata sa Chinese government.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, hindi alam ni Roque ang mga isyu kaya ganito ang pinagsasabi. Ayon kay Lacierda, mas mabuting pag-aralan muna ni Roque ang detalye ng kontrata at kung bakit kailangan ng magbayad bago magsampa ng impeachment.
Tiniyak naman ng mga kaalyado ni Aquino sa Kamara na ibabasura lamang nila ang impeachment laban dito sakaling may maghain nito.
Kung maaalala, naniningil na ang Chinese government sa utang ng Pilipinas matapos ibasura ng Aquino administration ang kontrata dahil sa maanomalyang negosasyon. Aabot sa P210 billion ang nasabing loan na pinasok ng nakaraang administrasyon na pinapabayaran na ng China sa gitna ng tensyon sa West Philippine Sea.