MANILA, Philippines - Balak harangin ni Senator Teofisto “TG” Guingona Jr. ang pagpapatupad ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil sa naisingit na pro bisyon kung saan papatawan ng 12 taong pagkabilanggo ang mga maaakusahan ng libel sa pamamagitan ng paggamit ng internet katulad ng Facebook at Twitter.
Ayon kay Guingona, mapanupil ang nasabing panukala at kontra ito sa ginagarantiyahan ng Konstitusyon na kalayaan sa pagpapahayag.
Nauna ng kinontra ni Guingona sa plenaryo ng Senado ang pagpasa ng panukala dahil sa “problematic provisions” nito kung saan mas mataas pa ang parusa sa online libel kaysa sa traditional print media.
Nilinaw ni Guingona na hindi niya tinututulan ang pangangailangan ng bansa para sa Cybercrime Prevention Act pero ang nasabing batas na ipinasa kamakailan ay may ‘problematic provisions dahil sa isiningit na probisyon ng libel na inilagay bago ipasa ang batas sa Senado.
Maari aniyang kasuhan ng online libel ang isang taong bumatikos sa isang pulitiko, actor at ibang tao sa pamamagitan ng tweets. Puwede ring kasuhan ang nagbigay ng comment sa isang mapanirang Facebook status o nag re-tweets ng mensahe sa twitter.
Sa traditional media ang libel ay may parusa lamang ng hanggang apat na taong pagkabilanggo pero sa online libel ito ay ginawang 12 taong pagkabilanggo.
“With the new law, a person can now be prosecuted for libel under the Revised Penal Code and libel under the Cybercrime Prevention Act. This is contrary to the 1987 Constitution which protects its people against double jeopardy,” sabi ni Guingona.
Base sa journal ng Senado, si Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III ang nagsingit ng libel sa Cybercrime Prevention Bill bago ito ipinasa sa Senado.