Trillanes 'backdoor negotiator' pa rin sa China - PNoy
MANILA, Philippines - Kinumpirma ni Pangulong Aquino na mananatiling ‘backdoor negotiator’ sa China si Sen. Antonio Trillanes subalit nais muna niya itong kausapin matapos ang bangayan nila ni Senate President Juan Ponce Enrile.
Sinabi ni Pangulong Aquino sa ambush interview, wala naman siyang nakitang masama kung susubukan ang diskarte ni Trillanes upang maayos ang gusot sa usapin ng Scarborough Shoal.
Inamin din ni PNoy na tinawagan siya ni Trillanes sa telepono noong nasa China ito at nagboluntaryo na maging backdoor negotiator.
Samantala, posibleng matanggal na bilang miyembro ng makapangyaring Senate Electoral Tribunal (SET) si Trillanes matapos itong magdesisyon na umalis sa mayorya at sumanib sa minorya ng Senado.
Ayon kay Enrile, ang nasabing posisyon ni Trillanes ay nakalaan sa kanilang grupo kaya maaari na nilang bawiin ang nasabing posisyon ng senador.
Nilinaw din ni Enrile na hindi na nila tatanggalin si Trillanes bilang chairman ng Senate Committee on Civil Service and Government Reorganization.
Pero ang Select Oversight Committee on Government Procurement na pinamumunuan din ni Trillanes ay posibleng matanggal sa senador.
Idinagdag ni Enrile na hindi niya maiaalis na may mga senador na hindi “happy” sa kaniyang panunungkulan pero kung maipapakita umano ng mga ito ang sapat na number ay walang dahilan para hindi siya bumaba sa puwesto.
- Latest
- Trending