MANILA, Philippines - Isinusulong ni Senate President Pro-Tempore Jinggoy Estrada ang panukalang pag-isahin na lang ang mga batas na may kinalaman sa mga senior citizen.
Sa Senate Bill 3234 o Senior Safety and Ser vice Act of 2012 na isinampa ni Estrada, palalakasin pa ang serbisyo ng pamahalaan sa mga matatandang mamamayan.
Inaatasan ng panukala ang DOJ sa pamamagitan ng NBI, DILG at PNP na gumawa ng kaukulang hakbang para mapangalagaan ang mga matatanda at masugpo ang mga krimeng tumatarget o nakakaapekto sa mga lolo at lola.
Nakatuon din ang panukala ni Estrada sa mga pag-aabuso sa mga senior citizens at kung paano ang ginagawa ng pamahalaan para matugunan ito.
“Naniniwala ako na dapat gawin ng pamahalaan ang lahat ng pagsisikap para mapangalagaan at masuportahan ang mga senior citizen na kolektibong nakaambag sa pagpapaunlad ng lipunan noong bata pa sila, noong mga taon na produktibo sila at patuloy na nakakagawa nito sa pamamagitan ng kanilang karanasan at katalinuhan,” sabi pa niya. (Rudy Andal)