Refund sa Meralco tiniyak ng ERC

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Energy Regulatory Commission (ERC) na magkakaroon na ng “refund” ang mga kustomer ng Manila Electric Company (Meralco) kaugnay ng nadobleng pagsingil sa konsumong kuryente.

Sinabi ni ERC Executive Director Attorney Francis Juan na aalamin pa ng komisyon kung tama ang kuwenta ng Meralco na P9.1 bilyon ang kailangang i-refund sa kanila ng Power Sector Assets and Liabilities Management Corporation (PSALM) para maibalik naman sa mga customer ng Meralco.

Sinabi nito na napatunayan na nagkaroon ng “double recovery” sa pagsingil ng PSALM ng karagdagang line losses rental na nakapaloob na sa presyo ng kuryente nito na aprubado ng komisyon.

Una na ring natuklasan ang “double charging sa transmission line costs” mula nang mag-umpisa ng operasyon ang WESM (Wholesale Electricity Spot Market) Luzon noong Hunyo 26, 2006.

Una aniyang ipinaalam ng Meralco sa ERC ang sobrang nasingil ng PSALM noon pang 2008 pero natagalan ang pagdedesisyon ng ERC dahil dumaan pa ito sa maraming pagdinig makaraang komontra ang PSALM.

Show comments