Mga tren ng LRT pabebendisyunan

MANILA, Philippines - Upang mawala ang umano’y kamalasan dahil sa sunud-sunod na mga suicide at palagiang pagkasira at pagkakatigil ng operasyon ng Light Rail Transit (LRT), plano ngayon ng pamunuan ng LRTA na pabendisyunan ang mga tren nito.

Ayon kay LRTA spokesman Atty. Hernando Cabrera, tila nagi­ging “takbuhan” ng mga taong desperado na sa buhay ang LRT kaya sa pamamagitan ng bendis­yon ng pari ay umaasa silang hindi na mauulit ang mga pagpapatiwakal dito na ang pinakahuli ay isang babae na tumalon sa riles ng LRT sa EDSA Station sa Pasay City noong Huwebes.

Nabatid na si LRT-1 train operator Anthony Gunay, 35, ay sinampahan na ng mga pulis ng kasong reckless imprudence resulting in homicide dahil sa pagpapakamatay ng biktimang si Lucy Aroma, 52.

Si Aroma ay tumalon sa riles ng LRT-1 EDSA station, noong Huwebes ng madaling araw at mabangga ng tren na ino-operate ni Gunay.

Ipinaliwanag naman ni Gunay na nang tumalon ang biktima sa riles ay tinangka niyang pahintuin ang tren ngunit huli na dahil nabangga na niya si Aroma bago pa niya napatigil ang tren.

Sinasabing may malubhang karamdaman si Aroma na nagtulak para wakasan nito ang buhay.

Tiniyak naman ni LRTA spokesman Hernando Cabrera na sa ngayon ay hindi muna nila papayagan si Gunay na mag-operate ng tren dahil sa trauma.

Nilinaw nito na hindi suspendido ang operator ngunit standard operating procedure (SOP) nila na hindi muna siya pwede mag-operate ng tren.

Idinagdag pa nito na kinailangang sampahan ng mga pulis ng kaso ang operator ngunit susuportahan umano nila ito at idedepensa.

Show comments