DFA may bagong satellite office sa SM Megamall
MANILA, Philippines - Pormal nang pinasinayaan ang bagong consular satellite office ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pangunahing shopping mall sa Metro Manila sa SM Megamall, Mandaluyong City kahapon ng hapon.
Pinangunahan ni Foreign Affairs Usec. for Administration Rafael Seguis at Hans T. Sy, President ng SM Prime Holdings Inc. ang pag-cut ng ribbon kasama ang matataas na opisyal ng DFA at SM.
Ayon kay Seguis, ang bagong consular office na maaaring makapag-accommodate ng 1,000 passport applicants kada araw ay may lawak na 1,200 square meters at matatagpuan sa ika-pitong palapag ng bagong tayong Building C ng SM Megamall.
Bubuksan sa publiko ngayong Lunes (Setyembre 3, 2012) para sa passport application ang bagong DFA-consular satellite na may 28 DFA personnel. Sisimulan ang processing at releasing ng passport ng alas-10 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi mula Lunes hanggang Sabado habang tuwing Linggo ang releasing ng passport lamang.
Ang mga aplikante na may naka-iskedyul na appointments at senior citizens na may balidong pruweba ng kanilang edad ang ia-accommodate.
Sinabi pa ni Seguis na walang ginastos ang DFA sa pagpapagawa ng mga bagong pasilidad at maging ang bayarin sa mga makukunsumong kuryente at aircon.
- Latest
- Trending