House bills tambak dahil sa RH bill
MANILA, Philippines - Ibinunyag ng oposisyon sa Kamara na maraming panukalang batas ang nakabinbin pa at hindi nabibigyan pansin dahil sa pagtutok sa kontrobersyal na Reproductive Health (RH) bill.
Sinabi ni House Minority leader at Quezon Rep. Danilo Suarez, na hindi bababa sa 10 panukalang batas ang hostage ngayon sa Rules Committee at hindi mai-refer sa plenary dahil sa desisyon ng mayorya na walang tatalakaying ibang bills hanggang hindi naaprubahan ang RH bill.
Paliwanag ni Suarez, hindi katanggap-tanggap na mayroong nasasagasaang mahahalagang panukalang batas dahil lamang sa isang bill kahit gaano pa ito ka-importante sa administrasyon.
Itinanggi rin ng kongresista na dini-delay ng anti-RH congressmen na masimulan ang pag-amyenda sa kontrobersyal na panukala at katunayan ay mayroon na umano siyang dalawang proposed amendments.
Depensa pa ng mambabatas, wala sa kanila ang problema kundi nasa mga kaalyado rin ng pro-RH na siyang maraming tanong sa plenary.
Sinopla naman ni House Majority leader Neptali Gonzales ang alegasyon ni Suarez dahil kahapon pa lamang umano ay naisagawa na niya ang referral ng mga bills at resolutions.
Sabi ni Gonzales, ang personalan at harangan ng pro at anti-RH congressman ang dahilan kung bakit walang masyadong nagagawa sa plenary.
- Latest
- Trending