MM blue alert sa leptospirosis
MANILA, Philippines - Napilitan ang Department of Health na magdeklara ng blue alert sa Metro Manila kasunod na rin nang biglaang pagtaas ng kaso ng leptospirosis.
Ayon kay Dr. Eric Tayag, director ng DOH- National Epidemiology Center, sa ilalim ng blue alert, pinaghahandaan nila ang posibleng pag-abot sa 50 araw-araw ng mga taong maaaring magtungo sa mga pagamutan dahil sa mga flood-related diseases tulad ng leptospirosis.
Sa tala ng DOH, mula Agosto 5 hanggang 22 lamang ay 783 kaso na ng sakit sa 14 government at local government hospitals at 14 na ang nasawi.
Bagamat mayroon lamang 176 kaso mula Agosto 5 hanggang 15, bigla namang tumaas mula Agosto 16-22, matapos na manalasa ang baha dahil sa habagat at mga bagyo.
Ani Tayag, partikular na tinututukan nila ngayon ang area ng CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) na pinakanapinsala ng pagbaha dahil sa posibleng outbreak ng leptospirosis.
Karamihan sa mga pasyente ng leptospirosis na kanilang nagamot ay mula sa Caloocan, Malabon, Manila, Valenzuela at Quezon City.
- Latest
- Trending