Kidnapping sa Bilibid totoo - De Lima
MANILA, Philippines - Kinumpirma ni Justice Sec. Leila De Lima na may mga kidnapping sa loob ng National Bilibid Prison at ang pagkidnap sa high profile criminal na si Rolito Go ay isang isolated case na.
Sa isinagawang pagsaliksik ng kalihim kumbinsido ito ngayon na may kidnapping syndicate ang nag-ooperate sa loob ng NBP.
Ayon kay de Lima, may mga naunang kaso ng kidnapping ang naitala sa NBP ang tinatawag na ‘hulidap’ subalit tumangging mag-report ang mga biktima sa otoridad dahil sa takot para sa kanilang seguridad at ng kanilang mahal sa buhay na nasa loob ng piitan.
Nabatid din ng kalihim na ang nasabing sindikato ay may mga spotter na siyang tumutukoy kung sino ang susunod na bibiktimahin.
Sa previous incidents na naitala sa NBP, mga asawa at mga mahal sa buhay ng inmates ang biktima ng hulidap o pagdukot.
Pinaplano na ngayon ni de Lima na bumuo ng isang dedicated team mula sa National Bureau of Investigation (NBI) para tutukan ang kasong hulidap at kidnapping sa loob ng Bilibid.
Kasabay nito, itinalagang OIC ng Bureau of Corrections si Manuel Co kapalit ni Director Gaudencio Pangilinan.
- Latest
- Trending