Rolito Go balik-Munti
MANILA, Philippines - Sa loob lang ng 24 oras ay balik-Munti na ang high profile convict na si Rolito Go na nawala at sinasabing kinidnap noong Miyerkules ng umaga sa loob ng National Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City.
Sa press briefing kahapon sa Camp Crame, Quezon City iniharap ni PNP Chief Director General Nicanor Bartolome sa mediamen si Go at pamangkin nitong nurse na si Clemence Yu na umano’y kasama nitong dinukot ng hindi pa nakilalang apat na armadong kidnaper na nagpakilalang mga taga-NBI.
Sinabi ni Go na hindi siya tumakas kundi puwersahan silang tinangay ng kaniyang pamangkin sa harap ng Our Lady of Mercy habang pabalik na sa minimum security compound ng NBP noong Martes ng gabi.
Puwersahan umano silang kinaladkad ng mga kidnaper pasakay sa isang kulay puting Honda Civic (UUR-805 ) pero sa halip na pumunta sa tanggapan ng maximum security ay nag-u-turn umano ito palabas at dinala sila sa katimugang direksyon.
Ayon kay Go, pinukpok pa umano siya ng baril sa ulo ng isa sa mga kidnaper habang bumibiyahe sila. Nagtamo ito ng gasgas partikular na sa may braso matapos umanong manlaban siya at makipag-agawan ng baril sa kanilang mga abductors.
Nanindigan si Go na hindi siya tumakas at hindi niya ito gagawin dahil maysakit siyang colon cancer simula pa noong 2009 at under control na ito sa pamamagitan ng chemotherapy noong 2011.
Dinala umano sila ng mga kidnaper sa isang ilang at madilim na lugar sa lalawigan ng Batangas kung saan humihingi ang mga ito ng malaking halaga ng ransom at umano’y binantaan pa siyang papatayin.
Nang walang makuhang pera sa kaniya ay pinakawalan sila sa Tanauan, Batangas at binigyan ng pamasahe sa bus kung saan bumiyahe na sila ni Yu sa Alabang kung saan sila sinundo ng mga operatiba ng pulisya dakong alas-11 ng gabi nitong Miyerkules.
Ayon kay Bartolome, may nakuhang basyo ng bala ng baril sa Honda Civic na pag-aari ni Yu na ginamit ng mga kidnaper sa pagdukot kina Go na tumatagni sa pahayag nitong nagpaputok ang mga suspek sa loob ng sasakyan.
Pasado alas-2 naman ng hapon nang maibalik sa NBP si Go buhat sa Kampo Crame.
Kaugnay nito, boluntaryo namang nagsumite ng indefinite leave si Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gaudencio Pangilinan habang nagsasagawa ng imbestigasyon.
Inirekomenda na rin ni Justice Sec. Leila de Lima ang pagsibak sa sinumang matutukoy na nagkaroon ng kapabayaan kahit pa ang mataas na opisyal ng BuCor at NBP.
Posible namang makasuhan ng evasion of service of sentence si Go kapag napatunayang hindi totoong kinidnap ito.
Magugunita na si Go ay na-convict sa kasong pagpatay sa De La Salle student na si Eldon Maguan na binaril nito dahil sa alitan sa trapiko noong 1991. (May ulat nina Danilo Garcia, Doris Borja at Rudy Andal)
- Latest
- Trending