Pagkumpuni sa mga sirang kalsada puspusan na
MANILA, Philippines - Puspusan ngayon ang ginagawang pagsasaayos ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga lubak sa kalsada kasunod ng matinding pag-ulan dulot ng malalim na pagbaha sa maraming lugar sa Metro Manila.
Kahapon ng umaga ay pinasimulan na ng DPWH ang pagkukumpuni sa mga nabanggit na uka-uka at nasirang lansangan na nagiging sanhi na ng trapik.
Ayon kay DPWH-NCR Director Reynaldo Tagudando, prayoridad nila ang mga pangunahing kalsada sa Metro Manila gaya ng EDSA, Quezon Avenue, McArthur Highway, Mindanao Avenue, Commonwealth at Roxas Boulevard.
Sinabi ni Tagudando na target nilang matapos ito sa loob ng dalawang linggo o kung tuluy-tuloy na gaganda ang panahon.
Mababalam lamang aniya ang kanilang operasyon kung sasama na naman ang panahon lalo na at may abiso na ang PAGASA na sa Lunes ay posibleng maranasan na naman ang pag-uulan.
Tiniyak naman ni Tagudando na buong puwersa ng DPWH-NCR ang nakakalat para matiyak na sa lalong madaling-panahon ay matatapos ang mga pagkukumpuni.
- Latest
- Trending