Kita ng mga magsasaka mababawasan sa sin tax
MANILA, Philippines - Malaki umano ang mawawala sa kita ng mga magsasaka ng tobacco sa sandaling pumasa ang panukalang batas na naglalayong itaas ang tax sa mga locally produced na sigarilyo at alak.
Umapela sa Senado ang Philippine Tobacco Growes Association (PTGA) upang tanggalin ang diumano’y anti-farmer at anti-worker provisions sa excise tax bill sa tobacco at alcohol products na inaprubahan na sa House of Representatives noong nakaraang buwan.
Ayon sa grupo, maaapektuhan ang kabuhayan ng libo-libong factory workers na umaasa sa tobacco industry.
Ipinaliwanag ni Saturnino Distor, presidente ng PTGA na ang kanilang mga sinasakang tobacco ay binibili ng mga malalaking manufacturers at maging ng mga maliliit na cigarette makers.
Ang napakataas na buwis na aabot umano sa 708 hanggang 1,000 porsiyento na ipapataw din sa mga mumurahing cigarette brands na ginagawa ng mga maliliit na manufacturers ay magiging daan upang magmahal ang presyo nito.
Nangangamba si Distor na wala ng tatangkilik sa kanilang mga produkto kung malaki ang itataas sa presyo nito.
Umapela rin maging ang mga manggagawa sa mga small cigarette manufacturers dahil sila umano ang unang tatamaan ng panukala.
Ayon kay Hilario Punzalan, presidente ng National Federation of Labor Unions (NAFLU) tiyak na marami ang mawawalan ng trabaho kapag nagsara o lumiit ang produksiyon ng mga small cigarette manufacturers.
Sinabi rin ni Elvis Campos, pinuno ng grupong Mamamayan Kilos, Alab ng Maralita, na maging maingat ang Senado at suriing mabuti ang House Bill No. 5727 ni Rep. Joseph Emilio Abaya na umano’y magpapataw ng halos pitong dobleng buwis sa mumurahing sigarilyo, habang maliit lamang ang buwis sa mga produktong tinatangkilik ng mayayaman.
Giit ni Campos bagamat maganda ang layunin ng panukala na ilaan ang bahagi ng buwis na makokolekta para sa dagdag na public services, marami pa umanong ibang paraan sa halip na gatasan ang mga maralitang kumukonsumo ng mumurahing alak at sigarilyo.
Paliwanag pa ni Campos na maging ang maliliit na sari-sari store, mga “takatak boys” na nagtitinda ng sigarilyo sa mga lansangan at maging ang mga manananim ng tabako ay lalong maghihirap kapag ipinasa ang kontra-mahirap na panukala ni Abaya at ng Department of Finance.
- Latest
- Trending