MANILA, Philippines - Siniguro ng Malacañang na walang ulong ‘gugulong’ sa PAGASA kahit umamin ito ng kanilang pagkukulang sa pagtataya ng panahon kung saan ay nagulantang na naman ang publiko sa biglaang pagbaha at pag-ulan noong Linggo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, gumagawa na ng paraan ang gobyerno upang lalong mapagbuti ng PAGASA ang kanilang trabaho tulad ng pagbili ng mga modernong equipment.
Magugunita na sinibak noon ni Pangulong Aquino si Frisco Nilo dahil sa pagkakamali nito sa pagtataya nila sa panahon kung saan ay nabigla din ang mamamayan sa malawakang pag-uulan na naging sanhi ng malawakang pagbaha.
Sinabi ni Lacierda, walang magaganap na sibakan sa PAGASA bagkus ay inatasan ng Pangulo ang mga weathermen na lalong pagbutihin ang kanilang trabaho upang maging ‘real time’ ang update nito sa kalagayahan ng panahon.