MANILA, Philippines - Handa ang Pilipinas na ipagtanggol ang kasarinlan nito mula sa mga mananakop, ayon kay Pangulong Aquino.
Sa ambush interview sa Pangulo na naging panauhin sa 114th anniversary ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Pasay City, sinabi nito na laging handa ang Pilipinas sa pagtatanggol sa soberenya nito mula sa sinumang mananakop sa abot ng limitasyon nito.
Ginawa ni Aquino ang reaksyon sa umano’y patuloy na panghihimasok ng Chinese fishing boats sa Pag-asa island na bahagi ng Spratly.
Nakiusap din ang chief executive sa lahat ng sektor na itigil na ang pagbibigay ng komento sa posibleng paglala ng sitwasyon sa West Philippine Sea at ang posibilidad na umabot ito sa armed conflict dahil lalo lamang lalala ang sitwasyon.
Kinumpirma mismo ni Kalayaan Mayor Eugenio Bitoon ang pagpasok ng mga Chinese fishing boats sa Pag-asa island.
Ayon kay Mayor Bito-onon, may 5 nautical kilometers lamang ang mga Chinese boats na naka-angkla mismo sa isla na pag-aari ng Pilipinas habang namataan din ng mga local fishermen ang isang Chinese navy boat kasama ang mga Chinese fishing vessels sa lugar.